Ang
Mangingisda
Ni
Ponciano B. Peralta Pineda
Maging nang sumabog sa kanyang kamay ang dinamita’y nagsasayaw pa rin sa
kanyang isip ang mga lantsa ni Don Cesar na hindi man lamang natitigatig sa
hampas ng mga daluyong. Ang ugong ng kanyang motor, sa pandinig niya, ay tila
tugtuging nagbubuhat sa radyong nasa nagliliwanag na punduhan nina Fides.
Ito
ang kanyang lakas at pag-asa: ang mga lantsa ni Don Cesar at ang punduhan nina
Fides. Ang mga bagay na ito ang nagsilang sa kanyang mithiin. Hindi nawawaglit
sa kanyang diwa saglit man. Ang kanyang mithiing binuo ng mga lantsa at ng
punduhan ay lalong kinulayan ng mga pangyayaring lumiligid sa kanyang buhay.
Katulad ng pangyayaring nakaraan.
Kanina, nang pakargahan niya ng gasolina ang kanyang motor sa punduhan
nina Fides, ay naulit na naman ang kanyang pinakaiiwasan: ang pangungutang kina
Fides.
“Kung maaari sana’y idagdag mo muna sa dati kong utang, ha, Fides?”
Tiningan lamang siya ni Fides. Ni hindi ito kumibo. Ngunit sumulat sa
talaan ng mga pautang.
Nauunawaan niya ang katotohanang ibinadha ng naniningkit na mga matang
iyon: pag-aalinlangan sa katuparan ng kanyang mga pangako. Nahuli niya ang
buntot ng sulyap na iyon.
Nang
lumabas siya kahapon, kaparis din ng dalawang araw na napagdaan, ay hindi siya
nanghuli ng sapat na makatutugon sa pangangilangan nila ng kanyang ina at sa
kanyang utang kina Fides. Kaninang umaga’y
humingi na naman siya ng paumanhin sa ina ni Fides.
“E,
ano ang magagawa natin kung di ka nanghuli,” ang wikang payamot ng in ni Fides.
“Minalas ho ako,” nasabi na lamang niya. “Baka
sakaling swertihin ako mamayang gabi.”
Sinabi niya ito upang magpaliwanag; upang humingi ng
muling kaluwagan: upang kahit paano’y hugasan ng pakiusap ang kanyang
kahihiyan.
Hindi niya nagawang isipin ang pagbabayd kina Fides.
Inunahan siya ng pagsasabi ng kanyang ina kanginang umaga ng “Magdiskargo ka
muna sa punduhan anak.” Nababatid niyang wala silang ibabayad kung sa bagay.
Nalalaman niyang sinundan siya ng tingin ni Fides at
ng ina nito nang siya’y magpaalam. Hindi niya narinig na sinabi sa kanya ang
katulad ng naririnig niya sa ina ni Fides kapag hindi nakababayad ang mga
mangingisdang mangungutang sa punduhan: “Aba, e Pa’no naman kaya kami kung
ganyan nang ganyan? Pare-pareho tayong nakukumpromiso…”
Malaki ang kanyang pag-asa ngayon. Nagtitiwala siya
sa kanyang sarili at sa dagat.
“Bukas hoy tinitiyak kong makababayad na ako.”
Gabi na nang umalis siya sa Tangos.
Nakagapos siya sa dagat. Ngunit kailanma’y hindi
sumagi sa kanyang muni ang umalpas- ang lumaya. Ipinasya lamang niya ang
mabuhay sa dagat, ang maging makapangyarihan sa dagat, kagaya ng may-ari ng mga
lantsang pamalakaya sa tabi ng malaking punduhan.
Sapul ng pag-ukulan siya ng pansin ang unang lantsa
ni Don Cesar ay nakadama siya ng kakaibang pintig sa kanyang dibdib: Ibig
niyang magkaroon ng lantsa balang araw. Pag nagkaroon siya ng lantsa’y hindi
nasiya gagamit ng motor; hindi na siya sasagihan ng munti mang pangamba,
mangitngit man ang habagat, magngalit man ang sigwa sa laot. Hindi na
pansumandaliang lalabas siya sa karagatan. Maaari na niyang marating ang
inaabot na mga lantsa ni Don Cesar. Makalalabas na siya nang lingguhan. At
pagbabalik niya’y daan-daang tiklis ng isda ang kanyang iaahon. Hindi na rin
mangangamba ang kanyang ina kapag hindi siya nakakabayad ng gasolina at langis.
Matititigan na niya ang naniningkit na mga mata ni Fides. Makapagpapakarga na siya ng kung ilang
litrong gasoline sa kanyang barko. Kung makakatabi ng kanyang barko ang kay Don
Cesar ay magkakaabutan na lamang sila ng mga mangingisda ni Don Cesar. “Ilang
araw kayo sa laot, ha?” itatanong niya. Siya’y sasagutin ko. At, “ako’y
tatlumpong araw,” sasabihin niya pagkatapos.
Ang hangaring iyon ay tila malusog na halaman:
payabong nang payabong, paganda nang paganda sa lakad ng mga araw. Sa
pagkakahiga niya kung gabi’y tila kinikiliti siya ng ugong ng mga motor at
makina ng mga pangisdang humahaginit tungo sa kalautan. Ang huni ng mga
lantsa’y kapangyarihan manding nagbubuhos ng lakas sa kanyang katawan.
“Balang araw, Inang,” ang pagtatapat niya isang
gabi,” ay bibili ako ng lantsa.”
“Masiyahan na tayo sa isang bangkang nakapgtatawid
sa atin araw-araw.”
“Magsasama tayo ng maraming salapi, Inang. Di na
tayo kukulangin. Giginhawa ka na.”
Sa pagkakaupo nila sa tabi ng durungawang nakaharap
sa ibayo’y kanilang natanaw ang nagliliwanag na punduhan nina Fides ang
nangakadaong na mga lantsa ni Don Cesar. Naririnig hanggang sa kanilang madilim
na tahanan ang alingawngaw ng halakhakan ng mga taong nagpapalipas ng mga
sandali sa punduhan.
‘Nagniningning ang kanyang mga mata. Ang kanyang
puso’y punung-puno ng makulay na pag-asa.
“Talagang bibili ako ng lantsa, Inang.”
Ipinaggiitan ng kanyang ina ang pagkakasiya sa
bangka na lamang.
“Ang kaligayahan ng tao, anak…”
Hindi niya naunawaan ang buntot ng pangungusap ng
kanyang ina. Ang diwa niya’y nasa malayo. Nasa dagat, nasa laot…
Isang mahabang kawil ng mga taon ang dumaan sa buhay
niya bilang mangingisda, bago siya nakapagtipon ng sapat na salaping ibibili ng
motor. Iyon ay isa sa makasaysayang pangyayari sa kanyang buhay. Inari niyang
isa nang tagumpay na walang pangalawa. Iyon ay ipinagparangalan sa kanyang
sarili’t sa kanyang ina.
“Di na ako ga’nong mahihirapan sa pagsagwan kapag
ako’y nagpapalaot. Ito na ang simula, Inang…”
Nauunawaan ng ina ang katuwaang nag-uumapaw sa puso
ng anak.
“Huwag mong kalimutan ang Maykapal, anak,” ang sabi
ng kanyang ina.
Maykapal ang lagging ipinang-aaliw sa kanya.
Maykapal sa gitna ng pagdarahop, ng sakit, ng sangkisap-matang katuwaan.
Nawawalan siya ng pananalig kung minsa. Kagaya ng kung siya’y hindi pinapalad.
Kagaya nitong tatlong araw na nangagdaan.
Nakabili na rin siya ng bagong bangkang pinaglipatan
ng motor. Gayon na rin marahil ang damdamin ni Don Cesar nang siya’y unang
magkaroon ng lantsang pamalakaya- ito ang wika niya sa sarili.
Higit na nag-ulol ang kanyang mithiin nang maging
dalawa ang mga lantsa sa tabi ng punduhan.
Ang kanyang sarili’y malimit niyang tinatanong kung
bakit dalawa na ang lantsa sa ibayo: samantalang siya’y hindi nagkakaroon,
hanggang ngayon, ng kahit isa man lamang. Ito’y katanungang sumasaklaw nang
malaki kapag napag-uukulan niya ng pagmumuni. At lalo itong di niya matugon
kung sasaklawin niya ng titig ang gawing hilaga ng ilog; doon ay may punduhan,
may mga apugan, may mga pagawaan, may mga bangkang malalaki, may mga bagay na
naggagandahan, may mga lantsa, mga barko; ngunit sa gawing timog- sa kanilang
pook- ay may mga bahay-pawid na naglawit sa ilog, bangkang maliliit, mga
manggagawa, mga mangingisdang porsiyentuhan lamang.
Naging tatlo ang lantsa ni Don Cesar. Palaki nang
palaki ang punduhan nina Fides. At siya- nagtutumimbay naman ang kanyang
pagmimithi sa lantsa higit pang nagkakulay ang kanyang paghanga sa punduhan.
Minsan ay narinig niyang pinag-uusapan ng kapwa niya
mangingisda ang dami ng salaping ipapanhik ng mga lantsang pamalakaya ni Don
Cesar.
“Isang labas lang pala ng bagong lantsa ay halos
bawi na ang puhunan,” ang pagbabalita ng isa.
“At ang pakinabang sa isang labas, kung sinuswerte’y
santaon na nating kikitain,” anang isa pa.
“Ow, di natin kikitain…” ang pabuntot ng isa naman.
Pinagpatibay ng ganitong usapan ang kanyang mithiin.
Isinalaysay niya sa kanyang ina ang balitang nasagap
sa umpukan.
“Kita mo na, Inang” ang pagmamalaki niya, “biro mo
iyon! Di ka na mahihirapan…”
Hindi makapangusap ang kanyang ina.
“… Di ka na gagawa…”
Pinigil na lamang ng kanyang ina ang pangingilid ng
luhang ikinubli sa kadiliman.
Hindi siya nilayuan ng pagkayamot nitong nagdaang
tatlong araw.
“Malas,” wika niya, “malas na malas.”
Marahil, naisip niya, kung lantsa ang kanyang
gagamitin sa pangingisda’y hindi siya magkakagayon. Kung may lantsa siya’y
malayo ang kanyang aabutin; lalaban sila sa panahon; makakarating siya sa
malalim na pangisdaan; aariin niya ang mga isda ng buong karagatan. Hindi uuwi
nang walang huli.Kahit humangin.Kahit sumigwa. Uuwi siyang may huli… maraming
huli. Magagalak ang kanyang ina. Hindi na sila maghihikahos…
Kangina, nang umalis siya sa kanilang tahanan upang
magpakarga ng gasoline sa punduhan, ai ipinasya na niyang isangla, o ipagbili
kaya ang kanyang motor para makabayad sa kanyang utang. Subalit hindi niya
nagawa iyon. Mahal sa kanya ang motor, mahal na mahal. Hindi niya ipinagbili ni
isasangla, kanino man. Ang motor niya, ayon sa kanya, ay singkhulugan ng
lantsang hantungan ng kanyang mga pangarap.
Hindi siya
uuwi ng walang maraming huli ngayon;ito ang kaniyang pasiya. Walang salang
mag-uuwi siya ng maraming isda. Tiniyak niya iyon sa ina ni Fides.
“Bukas ho’y tinitiyak kong makababayad na ako.”
Ayaw niyang isagawa ang kanyang balak.Nalalaman niya
ang maaaring ibunga niyon.Nababatid niyang ipagbabawal ipinagbabawal ng batas.
Napasama na rin siya sa paggamit ng pamamaraang iyon
noong araw. Ilang beses lamang naman. At wala namang napahamak sa kanila. Hindi
naman sila nadakip.Nag-uwi sila ng maraming isda noon.Malaki ang kanilang
napakinabang.
Ngayon, hindi dadako ang patrolya ng mga baybayin sa
gawing tutunguhin nila, ganito ang kanyang naisip. Siguradong walang sagabal;
walang makahuhuli;walang magsusuplong;walang magbabawa. Saka minsan lang naman.
Pinag-ingatan niya ang pagkakabalot ng dalawang
malalaking dinamita sa ilalim ng kanyang upuang nasasapnan ng lona. Hindi niya
gagamitin iyon-kung… kung siya’y
papalarin…nasa laot na siya. Waring ibig lumikot ng hangin, habang tumatanda
ang gabi.Laganap ang karimlan. Kukuti-kutitap ang mga ilaw ng mga mangingisda
sa kalawakan ng dagat. Wala rin siyang huli. Pagod na siya sa kahahagis ng
kanyang lambat. Gayun ma’y naging kakatuwa ang kanyang dama. Tiyak, tiyak nang
makababawi siya sa kawan; makakabawi siya sa kawan. Muling inihagis ang kanyang
lambat.Maganda ang pagkakaladlad ng laylayan niyon.Natuwa siya.Natiyak ang
kawan.Hindi siya ililigaw ng kanyang karanasan.Mag-uuwi siya ng maraming
isda.Ipambabayad niya ang kanyang huli.Lumulukso ang kanyang puso.Inigot ang
lambat.Mabigat.Inigot muli.Ginamit ang kanyang lakas. Mabigat! Muling
inigot.Inigot. At iyon ay tila binitiwan ng isang malakas na kamay na
nakikipaghatakan. Nagaid ang lambat!ang lambat ay nagawak.
Talagang uuwi na siya. Ibig niyang makarating sa
Tangos. Ibig na niyang mamahinga. Nauna sa Tangos ang kanyang kamalayan. Umuwi
na sa Tangos. At tila isang tabing ang nataas sa kanyang isip. Nakikita niya
ang mga lantsa ni Don Cesar na lalong magigilas sa dampulay ng liwanag na
nagbubuhat sa nagsasayang ounduhan nina Fides. Saglit na tumuon ang kanyang
paningin sa tubig. Nagiti siya. Nakikita na naman siya ng kawan. Muling
naganyak ang kanyang kalooban. Inapuhap ang nakabalot na mga dinamita.
Binulatlat ang balutan. Kayganda ng dalawang bagay na iyon sa kanyang paningin.
Makauuwi na siya nang may dalang isda, maraming isda. Makababayad na siya kina
Fides. Sandali lamang ang pagsabog na niyon. Pupugungin na lamang niya ang lambat
na napunit. Mapupuno niya ang Bangka bago dumating ang patrolya sa mga
baybayin. Saglit na pinatay ang kanyang motor. Hindi na siya nayayamot.
Naliligayahan na siya. Tila tugtuging kumikiliti sa kanya ang ugong ng kanyang
motor. Kumilos ang kanyang lantsa.Pinahinto uli ang kanyang lantsa.Mapuputi ang
maiikling mitsa ng dinamita.Maiging pinagdikit ang mitsa niyon, at kinamal ang
dalawang bagay. Masisiyahan ang kanyang ina, paggising nito kinaumagahan.
“Sinuwerte ako, Inang.” Hindi ipagtatapat na gumamit siya ng dinamita.
Malulungkot ang kanyang ina. “Sinuwerte ako, Inang… Sinuwerte ako…!” kiniskisan
ang posporo.Tumilamsik ang ga-buhanging baga.Ayaw magdingas ang palito.
Idinikit sa gilid ng kanyang kilikili ang posporo. Nag-iniy.Ikiniskis
uli.Hinipan ng hangin. Ikinubli niya ang pagkiskis sa labi ng Bangka at kinagat
ng apoy ang palito inilapit, idinikit na mabuti sa dulo ng maikling mitsa ng
dinamitang mahigpit sa kamal sa kanyang kamay, sumagitsit, sangkisap-mata
lamang, sangsaglit lamang, mabilis,
sumagitsit- parang kidlat na sumibad sa kalangitan
at kaalinsabay halos ng siklab na sumugat sa gabi’y isang nakabibinging
dagundong ang bumingaw sa buong kalawakan.
--WAKAS—
sana po meron po kayong kwento ni malakas at maganda.thank you.
TumugonBurahinsana po meron po kayong kwento ni malakas at maganda.thank you.
TumugonBurahinbuod po ba ito?
TumugonBurahinpwede po bang i buod mo po ito kasi di ko mahanap ang buod eh.. need lang po for my project, salamat po
TumugonBurahinPwede po bang pa buod naman.para lang po sa project ehh
TumugonBurahinPwede po bang pa buod naman.para lang po sa project ehh
TumugonBurahinPwede po bang pa buod naman.para lang po sa project ehh
TumugonBurahinPwede po yung tunggalian ng kwento
TumugonBurahinSana binasa ninuo, hindi umasa kayo sa pagbubuod ng iba.
TumugonBurahinSana po may banghay
TumugonBurahin