Miyerkules, Agosto 12, 2015

SUNTOK SA BUWAN Ni: Allan Lopez

SUNTOK SA BUWAN
Ni: Allan Lopez

YOU HAVE NOTHING TO LOSE in trying.  What you lose in not going for it is the 50 percent chance of actually achieving your goal.
            Halos memoryado na ni Carl ang script ng speaker sa professional improvement seminar.  Ilang ulit na siyang pinadala rito sa tuwing may libreng imbitasyon ang kumpanyang pinagtatrabahuan mula sa isang suking supplier.  Hindi naman sa wala siyang ginagawa sa opisina – siya lang ang pinakamabagal magtrabaho, kaya siya ang willing na willing ipadala ng kanyang boss kapag sa department nila bumabagsak ang direktibang magpadala ng tao.
            Sa hapong iyon, araw ng Biyernes, mabilis na dumadaan sa isip ni Carl ang mga kaganapan ng nakaraang linggo. Walong taon na siya sa kanyang trabaho – ilang job level adjustment na rin ang kanyang nakuha, pero pareho pa rin ng ginagawa.  Natuto na siyang mabuhay ng walang nangyayari sa buhay bukod sa pumasok, umuwi, o minsang maglakwatsa kasama ng mga kaibigan, umuwi, gumising, at pumasok muli sa trabaho. 
            Pero noong linggong iyon ay nakilala niya si Sunshine. 

SI SUNSHINE: ISA SA MGA bagong pasok na junior managers sa research and development.   Idinaan sila ng trainer sa department nina Carl noong nakaraang Lunes bilang bahagi ng job orientation.  Pinares ang bawat bagong empleyado sa mga mas lumang staff ng department, para ma-orient ang mga ito sa mabusisisng proseso ng paghawak sa mga accounts. 
            “Lumang-luma na ‘yan ah,” bulong ni Sunshine.  Napataas ang kilay ni Carl habang patuloy na nagbukas ng computer files. Nginuso ni Sunshine ang isang maliit na kalendaryong nakasabit sa gilid ng cubicle. “Two years old na siya.”
            “Sa computer na lang ginagamit ko.”
            “Bakit hindi mo tanggalin?”
            “Kasi hindi naman siya dapat pansinin,” hinarap ni Carl ang computer screen kay Sunshine, para idiing dito tumingin, “Ms. Ricaforte, tignan mo.  Ito ang halimbawa ng…”  Nilapit ni Sunshine ang kanyang upuan, at natigilan si Carl.  Sa unang pagkakataon ay napagmasdan niya ng maigi ang hitsura ng kausap:  ang mahabang buhok nito, ang magandang ngiti, ang biloy nito sa pisngi. 
            Napatagal ng kaunti ang kanyang pagtitig, at natauhan na lamang nang magtanong si Sunshine.  “Example ng ano?” 

LUNES.  LUBOS NA PINAGTAKHAN NI Carl ang madalas nilang pagbabanggaan ni Sunshine. Bagbalik niya galing siya isang client meeting, siya namang paglabas ni Sunshine sa building kasama ang ilang kaibigan.  Noong pumunta siya sa copying room dala ang ilang dokumento, siya namang paglabas ni Sunshine sa katabing pantry.  Tatlong beses pa silang nagkasabay sa elevator. 
            Hindi na siya nagtaka noong pumasok si Sunshine sa pantry habang siya’y kumakain bago umuwi.  Gaya ng nakagawian ay nakalimutan na naman niyang mananghalian.   Nginitian siya nito, at nagtungo sa may lababo.  Binuksan ni Sunshine isa-isa ang mga kabinet. Nang hindi makita ang hinahanap, nakapamaywang na sinuyod ng tingin ang mga mesa.
            “Ano ba hinahanap mo, Ms. Ricaforte?”
            “Sunshine na lang.” Kagat labi itong ngumiti, tila biglang nahiya. “Payong ko.”
            “Naku, hindi mo makikita ‘yan.”
            “Bakit?”
            “Hanap ka kasi ng hanap.  Relax ka lang.  Bigla mo na lang makikita.”  Mabilis na napaisip si Carl kung maayos ba – pogi ba – ang hitsura niya noong hapong iyon.  Oo naman.  Ata. Basta, sabi niya sa sarili.  “Halika, join me mag-lunch.  Hahanapin natin ng sabay ang payong mo mamaya.”
            “Alas sais na, ngayon ka lang kumakain ng lunch?”  Natatawang tumabi sa kanya si Sunshine.

DON’T FORGET TO EAT BREAKFAST :P  Hahanapin pa natin payong ko.”  Text message ni Sunshine ang unang nabasa ni Carl ng magising kinabukasan.  Masigla siyang naghanda pumasok noong araw na iyon.  Laking pagtataka ng nanay niyang si Aling Ludy ng madatnan siya nitong nakaupo na sa mesa habang naghahanda pa lamang siya ng almusal.  “Nakapaligo ka na?”
            “Kuya, bakit ang laki ng ngiti mo?” Si Chiqui, ang nakababatang kapatid niyang kauuwi lang – agent ito sa isang call center.  “Na-promote ka ba?”
            Natawa lamang si Carl.“Huwag ka ngang makialam sa usapang matatanda.”  Bagamat professional na, bata pa rin ang tingin niya kay Chiqui.  Siya ang tumayong breadwinner ng pamilya mula noong malugi ang pinagtatrabahuan ng nanay nila, at siya ang tumustos sa pagaaral nito.  “Seriously, maganda lang ang gising ko.”
            “Hello, kuya, kapag maganda ang gising mo, natutulog ka lang ulit.  Huwag ka nga plastic.  Hindi ka naman marunong ngumiti.”
            Si Aling Ludy naman ang napahagikhik, at tumabi sa dalawang anak. “Oo nga.  Mabait ka, pero mas madalas ka pang humatsing kaysa ngumiti.  Nag-apply at natanggap ka na ba sa Crusader?” 
            “Naku, Ma, nawala na nga sa isip ko ‘yon!”
            Ang Philippine Crusader ang tinutukoy ni Aling Ludy.  Isa sa mga pinakatanyag na peryodiko sa bansa, na pangarap niyang pasukan noong siya’y nasa kolehiyo pa’t nangangarap maging peryodista.  Kinailangan niyang pumasok sa isang corporate job dahil sa mga naging pangangailangan ng pamilya.  Hindi kayang tustusan ng maliiit na suweldo ng peryodista ang magtaguyod ng kanilang pamilya.
            “Oo nga, kuya.  Mag-apply ka na sa Crusader kung gusto mo.  After all, malapit na akong mag-Singapore.  Magawa mo man lang ang gusto mo.”
            Ang totoo niya’y nakaliligtaan na lamang ni Carl na mag-apply sa pinapangarap na pasukang peryodiko.  Oo, dalawang taon nang tapos sa pagaaral si Chiqui, at nakakatulong na sa mga gastusin.  Pero parang nanlamig na lamang si Carl sa dating pinangarap.
            Ngumiti lamang si Carl habang sinisimsim ang mainit na kape.  Tama ang paalala ng kanyang kapatid at ina.  Pero mali sila.  Sa pagkakataong iyon, walang kinalaman sa sariling pangarap ang kanyang magandang mood.

INAYA NI CARL SI SUNSHINE sa paborito nitong kantinang malapit sa opisina.  Wala na sa business district, pero walang limang minuto galing sa opisina.  Isang “hole in the wall” kung tawagin.  Ni walang pangalan, at paborito ni Carl dahil palaging bagong luto ang pagkain at halos walang kumakain lagpas ng ala-una. 
            “Sana ok lang sa’yo rito.  Hindi sosyal, pero masarap ang pagkain.  Lutong bahay, kasi nga naman bahay lang talaga siya.”
            “Mas gusto ko rin dito kaysa fastfood.”
            “Talaga?  Kala ko puro sosyaling restawran lang kinakainan mo.”
            “Bakit mo naman naisip ‘yan?”
            “Kasi medyo maganda ka.”
            “Medyo lang?”  Pumalahaw ng tawa si Sunshine.“Kikay lang ako pero hindi sosyalera.  Mga simpleng bagay lang ang gusto ko.  Gaya mo.”
            Dinala ng serbidora ang inorder na sinigang na isda ni Sunshine at adobong manok ni Carl.  Nagsalo sila ng ulam.  “Kunwari, dalawa ang inorder natin,” biro ni Sunshine.  Masigla silang nagkukuwentuhan habang kumakain, parang matalik na magkaibigang matagal na hindi nagkita. Kinuwento ni Sunshine ang paglipat nito sa Maynila galing Cebu, kung saan ito nagtrabaho ng ilang taon pagkatapos magtapos sa UP Visayas. Binanggit din ni Carl ang naging usapan nila ng kanyang ina at kapatid, tungkol sa kagustuhan niya dating magtrabaho para sa isang peryodiko.
            “Naku kaya pala naging magkasundo tayo,” bulalas ni Sunshine, “Galing ako sa pamilya ng mga writers.  Ang tatay ko, retiradong editor ng Visayan Star.  Nanay ko, nagtuturo ng creative writing sa San Carlos, at ang dalawang kapatid ko, na nandirito rin sa Maynila, parehong nagsusulat din.  Makata ang isa, tapos iyong isa, playwright.  Ako lang ang naging accountant.”
            “Hindi naman ako manunulat talaga.  Pinangarap ko lang noon, mapakinabangan man lang ang degree ko.  Journalism kasi.”
            “Pero naglalaro pa rin sa isip mo.”
            “Medyo.”
            “Ibig sabihin gusto mo pa rin.” 
            Inubos ni Carl ang natitirang softdrinks. “Siguro.  Pero masyado na akong matanda para pumasok ng entry level sa diyaryo.  Medyo maliit lang ang kita.”
            “Akala ko ba tapos na ang kapatid mo at magaabroad na?  I bet, willing siyang tulungan ka sa gastusin.  Maayos naman kasi ang kita pagkalipas ng ilang taon lang, maski maliit ang kubra sa simula.”
            “Pero matanda na ako.  Gaya ng ng paalala ng nanay ko, dapat lumagay na sa tahimik.”  Nagsindi ng sigarilyo si Carl habang hinihintay si Sunshine. “Paano na lang kung gusto ko magka-girlfriend.  Mahirap naman manligaw ng maliit ang kita.”
            “’Di na uso ‘yon ngayon.  Hanap ka na lang ng liligawanan na maraming pera.”
            “Manligaw ako ng manager, ganoon?”
            “Maski junior manager, puwede na.”
            Nagtawanan silang dalawa, at bahagyang namula si Carl.          

NAGING MALIMIT NA TABLE CONVERSATION ng mga sumunod na araw ang pangarap ni Carl na maging peryodista.  Lubos na naging interesado si Sunshine sa kakayahan ni Carl.  Nahalungkat pa nga nito ang isang lumang company newspaper kung saan lumabas ng ilang article at tula ni Carl.  Naibigan niya, lalo na ang mga tula.
            Nakagawiang ihatid ni Carl si Sunshine.   Bago makasakay ng jeep noong ng Huwebes, may inabot itong brown evelope.  Basahin daw niya pag may panahon siya.  Inusisa ni Carl pagbalik sa opisina.  Ilang clippings mula sa classified ads ng Philippine Crusader.  Opening para sa isang manunulat na may background sa IT at multinational corporation. 
            Napasandal si Carl at bahagyang natawa.  “Pinagtutulakan mo na ako niyan, ha.” Kinausap niya ang silya na noong Lunes lang ay inupuan ni Sunshine, noong una silang nagkakilala.  “Sige, fine, gagawin ko ang gusto ko sa buhay.  Pero paano na tayo niyan?  Nagsisimula pa lang akong magpa-cute sa’yo.” 
            Natawa si Carl sa pagsasalitang mag-isa, at naghandang umuwi.  Bago lumabas ng cubicle, napansin niya ang kalendaryong tinuro ni Sunshine noong una siyang nandirito.  Hindi na nga niya matandaan kung bakit nakasabit pa rin ito.  Lalong hindi niya matandaan kung bakit palagi niyang nakakaligtaang itapon ito. 
            Inisip ni Carl kung mas maganda nga na may espesyal na dahilan na naiwan niya ito rito – halimbawa’y tumigil ang panahon dahil iniwan siya ng dating kasintahan – o wala.  Boring ang walang dahilan.  Walang katuturan, at medyo kahina-hinayang.  Pero wala naman talaga. Nakaligtaan lang niya, gaya ng maraming bagay sa kanyang buhay. 
            Tinapon niya ang kalendaryo sa basurahan. 

GAYA NG DATI, ALAS KUWATRO pa lang ay tapos na ang professional improvement seminar.  Nag-ikot muna sandali sa mall si Carl para bumili ng cake.  May pinaplano siyang maliit na celebration pagkauwi.  Pagbalik niya sa opisina ay inayos niya ang lahat ng mga gamit sa kanyang desk at kinausap ang kaniyang boss.  Masinsinang usapan na inabot ng halos alas siyete ng gabi.
            Umuulan ng lumabas ng building si Carl. 
            “Akala ko may seminar ka?”
            Nagulat si Carl ng tignan ang pinanggalingan ng boses.  Si Sunshine pala ay nakatayo sa isang sulok, hindi makauwi.  “Meron nga. Kanina pang alas kuwatro natapos.  Nawala mo na naman payong mo?”  Minuwestra ni Carl ang dala-dalang cake.  “May konti kaming celebration sa bahay.  Kung wala kang gagawin, daan ka muna. Malaman mo na rin kung saan ako nakatira.”
            “Birthday mo?”
            “Hindi.  Nag-tender ako ng resignation.”  Binuksan ni Carl ang pang-dalawalang payong na dala. “Ito lang ang meron ako ngayon na wala ka.  Poor na ako ngayon.  Ikaw may kasalanan. Kaya halika na, ihahatid kita sa inyo mamaya pagkatapos kumain.” 
            Kinuha ni Sunshine ang cake na dala ni Carl at sumukob sa payong na dala nito.  “Paano na lang ako kung wala ka,” biro nito. Napangiti na lamang si Carl. 
            “Lalo na ako…” Inakbayan ni Carl si Sunshine, hinila itong papalapit, at nagpasalamat sa magandang timing ng ulan. “Halika na, Ms. Junior Manager.” 




--WAKAS--

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento